NAGA CITY – Naharang ng mga otoridad sa checkpoint operation ang dalawang indibidwal dahil sa reckless driving o unsafe swerving bilang inisyal na bayolasyon ng mga ito sa Pamplona, Camarines Sur habang minamaneho ng mga ito ang kani-kanilang mga truck.

Kinilala ang mga suspek na sina Dave Bele, 38-anyos, residente ng Talabis, Ibabang, Iyam, Lucena City gayundin si Jude Amboy, 24-anyos, residente rin ng Ramban, Tagkawayan, Quezon.

-- Advertisement --

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCpt. Antonio Per, hepe ng Pamplona Municipal Police Station, sinabi nito na nang madakip ang mga suspek, napansin ng mga otoridad na mahina ang pagsagot ng mga ito sa mga tinatanong ng mga kapulisan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, dito na napag-alaman na positibo ang mga ito sa iligal na droga.

Samantala, ayon pa kay Per hindi pa rin aniya nila malaman kung ano ang ugnayan ng dalawang mga suspek sa isa’t-isa.

Sa ngayon umano nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek habang preniprepara na ang mga kasong isasampa kontra sa mga ito.