CENTRAL MINDANAO – Tatlong katao ang nasawi at isa ang sugatan sa nangyaring pamamaril at pagkatapos ay sinundan naman ito nang pagbigti ng suspek sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang mga napatay sa pamamaril na sina Nenita Kurasig, 58, byuda at Yunidis Kurasig, 36, may-asawa habang sugatan naman ang isang Christian Kurasig.

Binawian din ng buhay ang suspek na si Sumagka Quimundo, mga residente ng Sito Kaguco, Brgy Matuber, Datu Blah Sinsuat, Maguindanao.

Ayon kay Datu Blah Sinsuat chief of police Major Ronald De Leon, pinasok ng suspek ang bahay ng mga biktima at pinagbabaril gamit ang 12-gauge shotgun.

Mabilis namang tumakas si Quimundo nang matunugan nito na nagresponde ang mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) at pulisya.

Patay on the spot ang dalawa sa mga biktima na nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan at isa ang mabilis na naisugod sa pagamutan.

Nang puntahan ng mga otoridad kasama ang mga brgy officials ang bahay ng suspek at nakita itong wala ng buhay nang magbigti.

Ang mga biktima at suspek ay magkakamag-anak lamang ngunit may personal na alitan sa lupa na kanilang sinasaka.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Datu Blah Sinsuat PNP sa naturang pangyayari.