BACOLOD CITY – Dalawa ang patay sa magkahilway na insidente ng pamamaril at panghahampas ng bato dito sa lalawigan ng Negros Occidental.

Sa Silay City, patay ang 29-anyos na lalaki makaraang binaril sa Sitio Pulo, Brgy. Mambulac.

Ayon sa Silay City Police Station, nag-iinuman ang biktima na si John Dee Dumalaog, 29 anyos at residente ng Brgy. Mambulac, Silay City kasama ang mga kaibigan na sina Jeffrey Robles at Michael Saguid.

Lumabas sina Robles at Saguid upang bumili ng karagdagang alak ngunit nakarinig ang mga ito ng putok kaya’t kaagad silang bumalik kay Dumalaog.

Pagdating sa lugar, sugatan si Dumalaog makaraang binaril ng hindi nakikilalang suspek.

Ang biktima ay idineklarang dead on arrival sa Teresita Lopez Jalandoni Provincial Hospital.

Samantala, patay din ang 23-anyos na laborer sa Ilog, Negros Occidental makaraang hinampas ng bato ng kanya ring kasama sa pag-inom ng alak sa Sitio Mahayag, Brgy. Dancalan.

Ang biktima na si Vincente Flores, 23 anyos; at ang suspek na si Genesis Villaruz, 27 anyos ay nagdesisyon na bumili ng karagdagang alak.

Habang naglalakad umano, biglang kumuha ng bato si Villaruz at hinampas si Flores sa ulo na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Kulong ngayon ang suspek sa Ilog Municipal Police Station.