-- Advertisements --
banac 2
PNP spokesman Brig. Gen. Bernard Banac

Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na walang kaugnayan sa bawat isa ang naitalang dalawang pagsabog nitong nakalipas na weekend sa Mindanao.

Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac batay sa inisyal na imbestigasyon, extortion ang motibo sa Isulan bombing habang “act of terrorism” naman ang pagsabog sa Sulu.

Una nang sinabi ng militar na kinikikilan daw ng teroristang Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) Dawlah Islamiyah Abu Toraife group ang mismong local government ng Isulan.

Nasa P250,000 umano ang hinihinging extortion money ng mga terorista sa LGU iba pa sa mga negosyante.

Dahil sa insidente, sinabi ni Banac, lalo pang pinaigting ng PNP ang kanilang intelligence monitoring at pagpapatupad ng seguridad katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

“Ang buong AFP at PNP ay nakaalerto upang mapigilan ang mga posibleng sunod pa na pagtatangka. Ang investigation sa mga insidenteng ito ay patuloy pang inaalam natin kung sino may kagagawan,” wika pa ni Gen. Banac.

Siniguro naman ni Banac na walang dapat ikabahala ang publiko sa mga insidente ng pagsabog dahil kontrolado pa rin ng PNP at AFP ang sitwasyon.

Sinabi ni Banac, ongoing sa ngayon scene of the crime operations para matukoy ang pagkakakilanlan ng suicide bomber kaugnay sa nangyaring suicide bombing sa Indanan.

“Well palagi namang inaangkin ng ISIS ang mga ganitong insidente kahit na saang insidente ng pangingikil o extortion ay inaako nila pero hindi naman doon nakabase ang conclusion. Palagi tayong nakabase sa isang masusing investigation at ebidensya.”