CENTRAL MINDANAO- Sumuko sa militar ang dalawang miyembro sa New Peoples Army (NPA) sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga rebelde na sina alyas Bert at alyas Lenlyn Guerilla Front Committee 53, Southern Mindanao Regional Committee na kumikilos sa North Cotabato at hangganan ng Davao City at Bukidnon.

Sina alyas Bert at alyas Lenlyn ay sumuko kay 7th Infantry Battalion Philippine Army Commanding Officer,Lieutenant Colonel Niel Roldan.

Lumapit ang dalawang NPA sa militar na nagsasagawa ng relief operation sa mga biktima ng lindol.

Sinabi ni alyas Bert na pagod na sila sa pakikibaka laban sa gobyerno,nakaranas ng sobrang gutom sa bundok at gusto ng mamuhay ng mapayapa.

Dala ng mga NPA sa pagsuko ang kanilang mga armas at mga bala.

Sa ngayon ay nabigyan na sila ng tulong ng pamahalaan at tiniyak ng militar ang kanilang kaligtasan.