-- Advertisements --

Pumalo na sa kabuuang 82,168 na kahon ng family food packs ang naipaabot ng pamunuan ng Department of Social Welfare and Development sa mga lugar na naapektuhan ng mga pagbaha at landslide na dulot ng Intertropical Convergence Zone.

Ayon sa ahensya, kabilang sa mga lugar na nahatiran nila ng mga FFPs ay mula sa mga rehiyon ng Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, SOCCSKSARGEN, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao .

Batay sa datos ng DSWD, pinakamalaki ang naihatid na tulong sa BARMM na pumalo sa higit 60,000 food packs.

Maliban sa mga FFPs, wala ring patid ang paghahatid ng ahensya ng mga non-food items sa mga pamilyang nananatili pa rin ngayon sa mga evacuation centers dahil sa malawakang pagbaha.

Sa latest data ng DSWD, aabot na sa 114,000 pamilya katumbas ng halos 360,000 indibidwal ang apektado ng ITCZ mula sa anim na rehiyon sa Pilipinas.

Tiniyak rin nito na sapat ang kanilang pondo at buffer stock para sa mga karagdagan pang tulong.