-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), na mababa ang posibilidad na maging tropical depression ang Low Pressure Area (LPA) na namataan sa loob ng Philippine Area of Responsibility sa susunod na 24 oras.

Batay sa forecast monitoring ng state weather bureau ang LPA ay namataan kaninang alas-5 ng hapon sa 200 kilometer ng kanluran-timogsilangan ng Aborlan, Palawan at naka-embed sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ).

Dahil dito, makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Mindanao at Palawan.

Samantala, patuloy rin ang ganitong lagay ng panahon sa Eastern Samar, Leyte, at Southern Leyte bunsod ng easterlies.

Babala ng PAGASA, ang mga katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan ay maaaring magdulot ng flash floods at landslides.

Asahan din ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may mga pulu-pulong pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Metro Manila at natitirang bahagi ng bansa dulot ng easterlies.

Sa kabilang banda magiging mahina hanggang sa katamtaman ang ihip ng hangin pati narin ang mga pag-alon sa buong kapuluan.