Binigyang diin ng Department of Justice na nakahanda ito anumang oras sa sandaling ibalik ng Timor Leste sa Pilipinas si dating Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Si Teves ang itinuturong utak sa pagpapapatay kay noo’y Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pang indibidwal na nadamay sa madugong pamamaril.
Ginawa ng Justice Department ang pahayag kasunod ng napaulat na pag aresto ng Timor Leste Immigration kay Teves mula sa kanyang residensya.
Patuloy ang pagbabantay ng DOJ sa magiging pinal na desisyon ng Timor Leste sa extradition request ng Pilipinas laban kay Teves.
Nahaharap si Teves sa patong-patong na kaso ng pagpatay kabilang na ang pamamaslang na naganap noong 2019 sa kanyang lalawigan.
Sa bagong pahayag ng Timor-Leste, sinabi nitong hindi dapat manatili sa kanilang lugar ang dating mambabatas ngunit sa kabila nito ay hinihintay pa ng Pilipinas ang pormal na dokumento na ilalabas nito.
Maaari kasing ipa deport ang dating opisyal bilang isang undocumented foreigner o tuluyang ma extradite pabalik ng Pilipinas batay na rin sa unang kahilingan ng ating bansa.