CAUAYAN CITY – Libu-libong evacuees ang nananatili pa rin sa mga evacuation center sa Batangas sa kabila ng unti-unting pagbaba ng mga aktibidad ng Bulkang Taal.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jovener Dupilas, tagapagsalita ng Office of the Civil Defense (OCD) Region IV-A, sinabi niya na mahigit 30,000 evacuees ang hindi pa nakakabalik sa kani-kanilang mga tahanan sa Batangas.
Sila aniya ang mga nakatira sa mismong isla ng pumutok na bulkan noong Enero 12, gayundin ang mga nakatira sa seven-kilometer-radius danger zone at mga nasiraan ng bahay.
Gayunman ay patuloy naman ang mga pagdating ng mga tulong para sa kanila na mula sa lokal na pamahalaan ng Batangas at sa national government.
Ayon pa kay Dupilas, sa nasasakupan ng seven-kilometer-radius danger zone na nananatiling naka-lockdown ay wala pa ring pinapayagang makapasok.
Subalit may inilaang “window hours” ang mga local government unit sa mga residente para pakainin ang kanilang mga alagang hayop at para tignan ang kanilang bahay.
Samantala, inihayag pa ni Dupilas na mahigpit ding ipinapatupad ang enhance community quarantine sa mga evacuee para sila ay makaiwas sa Coronavirus Dsease 2019.
Kahapon, March 19, nang ibinaba na sa Alert Level 1 ang status ng Bulkang Taal.
“Taal Volcano’s condition in the succeeding four (4) weeks after step-down to Alert Level 2 on 14 February 2020 has been characterized by low-level volcanic earthquake activity, stabilizing ground deformation of the Taal Caldera and Taal Volcano Island (TVI) edifices and weak surface activity at the Main Crater and the Daang Kastila fissure,” saad ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology.