-- Advertisements --

Ibinaba na ng PHIVOLCS (Philippine Institute of Volcanology and Seismology) sa Alert Level 1 (abnormal) ang status ng Bulkang Taal.

Ito’y mula sa dating Alert Level 2 (decreased unrest) matapos ang paghupa ng aktibidad nito sa loob ng ilang linggo.

Paliwanag ng PHIVOLCS, bumaba ang bilang ng mga naitalang volcanic earthquakes, maging ang pamamaga ng lupa sa kabuuang Taal Caldera at Taal Volcano Island, at ang singaw mula sa Main Crater at Daang Kastila fissure ay humina sa nakalipas na isang buwan.

“Taal Volcano’s condition in the succeeding four (4) weeks after step-down to Alert Level 2 on 14 February 2020 has been characterized by low-level volcanic earthquake activity, stabilizing ground deformation of the Taal Caldera and Taal Volcano Island (TVI) edifices and weak surface activity at the Main Crater and the Daang Kastila fissure,” saad sa kalatas.

Gayunman, nagpaalala ang ahensya na sa ilalim ng Alert Level 1, nasa alangan pa ring kalagayan ang bulkan at hindi ibig sabihin nito na nawala na ang banta ng pagputok nito.

Muli anilang itataas sa Alert Level 2 ang alerto sakaling may maitalang kakaibang pagbabago sa monitoring parameters na maghuhudyat ng muling pagkabalisa ng bulkan.

Pinayuhan naman ng PHIVOLCS ang mga taong naninirahan sa mga lugar na may mataas na panganib (high risk) sa base surge na bumalik matapos ang pagbaba sa Alert Level 2 na maging mapagmatyag at alerto.

Posible namang ibaba sa Alert Level 0 ang bulkan sa oras na bumaba na ang mga monitoring parameters.