Nasa state of decomposition at mabaho na nang natagpuan ang bangkay ng dalawang mangingisda na nalunod sa Brgy. Apo Island, bayan ng Dauin, Negros Oriental.
Nakilala ang mga biktima na sina Joel Tapsilani, 35 anyos, at Bobong Daomani, 45 anyos, parehong residente ng Dauis, Bohol at miyembro ng Badjao Community.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PLt Monico Cubalan, Deputy chief of Police ng Dauin Municipal Police station, sinabi nito na noong Mayo 20 pa iniulat na nawawala ang dalawang biktima at kahapon lang, araw ng Miyerkules, Mayo 22, nang narekober ang bangkay ng mga ito.
Sinabi pa ni Cubalan na iligal na nangingisda sa nabanggit na karagatan ang mga biktima gamit ang pana at compressor.
May nakalagay pa aniyang hose sa katawan ng dalawa nang narekober ang bangkay ng mga ito sa ilalim ng dagat at nandun pa rin ang mga huling isda.
Ibinahagi pa umano ng isa sa kasamahan ng mga biktima na naiwan sa bangka na nang napansin nitong may papalapit na pumpboat ay inaakala nitong ito’y maritime police kaya agad itong humarurot papalayo at naiwan ang dalawa sa ilalim ng dagat.
Sagana pa at malalaki pa ang isda ang naturang karagatan kaya umabot ang mga ito sa lugar, gayunpaman, isa mahigpit doong ipinagbabawal ang pangingisda bilang pangangalaga sa lugar.
Aniya, patuloy naman ang kanilang isinagawang malalimang imbestigasyon kung may foul play ba sa insidente ngunit batay naman sa post-mortem examination ay asphyxia na resulta ng pagkalunod ang dahilan ng pagkamatay ng mga ito.
Mensahe pa nito sa publiko na sumunod sa mga patakaran para sa kaligtasan.
Nabatid na ang Apo Island ay isang world class dive at isang marine reserve at protected area.