Tumama ang dalawang malakas na aftershocks sa Afghanistan sa nakalipas lamang ng 12 oras.
Ito ay kasunod ng tumamang malakas na magnitude 6.0 na lindol na yumanig sa bansa sa nakalipas na apat na araw na kumitil na ng 2,205 katao at ikinasugat ng 3640 indibidwal, base sa pagataya ng Taliban government nitong Huwebes.
Pinangangambahan ngayon ang pagtaas pa ng bilang ng mga nasawi at pinsala kasunod ng malakas na aftershocks.
Base sa ulat ng local media, tuluy-tuloy ang aftershocks na tumama sa probinsiya ng Nangarhar at kasalukuyang inaalam pa ang detalye sa pinsalang dulot ng malakas na aftershocks.
Una rito, tumama ngayong Biyernes ang isang aftershock na may lakas na magnitude 5.4 sa may southeast na may lalim na 10 km o 6.2 miles, batay sa German Research Center for Geosciences (GFZ) matapos tumama ang isa pa gabi ng Huwebes.
Nagbabala naman ang United Nations at iba pang ahensiya ng kritikal na pangangailangan para sa pondo, pagkain, medical supplies at shelter para sa mga survivor ng lindol.
Kaugnay nito, umaapela ang World Health Organizations (WHO) ng $4 million na halaga ng pondo para sa mga biktima ng lindol sa Afghanistan.