Sisimulan na ngayong araw ang pagbabakuna sa mga kababayan nating seafarers.
Mamayang alas-9:30 ng umaga, magsisimula ang symbolic vaccination sa mga seafarer sa Palacio De Maynila sa Roxas Boulevard sa Manila City.
Ayon kay Julius Leonen, chief ng Manila Public Information Office, nasa 2,000 seafarers ang lalahok sa symbolic vaccination na ito.
Kamakailan lang, sinabibi ng Association of Marine Officers’ and Seamen’s Union of the Philippines na humigit-kumulang 30,000 Filipino seafarers ang babakunahan ngayong Hunyo.
Ang schedule anila ng pagbabakuna sa mga tripulante ay ibabase sa deployment plan na isusumite ng mga domestic ship operators at local manning agencies sa Philippine Marine Industry Authority kada buwan.
Pagkatapos nito ay saka pa lamang maaaring magparehistro ang mga seafarer sa Seafarers COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) Vaccination Platform ng Marina.
Sa ngayon, ang Pilipinas pa rin ang ikinukonsiderang major seafarer supply nation sa global shipping industry. Base kasi sa datos ng Marina, aabot sa 730,651 ang active seafarers ng bansa.
Kung maaalala, isa ang naturang sektor sa pinakamatinding tinamaan ng COVID-19 pandemic matapos na ilang buwan ding tumigil sa kanilang operasyon ang ilang shipping company sa mundo.
















