-- Advertisements --

Umabot na sa P717.4 milyon ang humanitarian assistance na naipamahagi ng administrasyong Marcos sa mga pamilyang naapektuhan ng Habagat at mga bagyong Luis at Maymay, ayon sa Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Kabilang sa naipamahagi ang mahigit 1.05 milyong family food packs, 17,291 ready-to-eat food at 12,740 non-food items. Naglaan din ang DSWD ng P2.2 milyon na financial assistance sa ilalim ng AICS.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, patuloy ang relief operations dahil halos isang buwan nang nakararanas ng magkakasunod na weather disturbance ang bansa.

Batay sa datos hanggang Martes, 4,516 barangay ang naapektuhan, na may mahigit 1.5 milyong pamilya. Nasa 461 evacuation centers naman ang kasalukuyang ginagamit.

Samantala, 1,993 bahay ang naiulat na nasira—206 ang totally damaged at 1,787 ang partially damaged. Patuloy rin ang pagbibigay ng financial assistance sa mga pamilyang naapektuhan.