CAUAYAN CITY- Sa tulong ng sumukong rebelde ay narekober ng mga otoridad ang dalawang matataas na kalibre ng baril sa bahagi ng Sierra Madre pangunahin sa Ditapaya,Diwagden, San Mariano, Isabela.
Sa pagtutulungan ng mga kasapi ng 95th Infantry Battalion Philippine Army, 201st Regional Mobile Force Company at isang katutubong Agta na si alyas Kanoy ay natunton ang kinaroroonan ng isang M16 armalite rifle at isang M14 rifle.
Ayon sa dating rebelde, siya ay kasama sa nabuwag na 1st National Battalion ng NPA noong 1980s at 1990s sa armadong pakikibaka hanggang siya ay magbalik-loob sa pamahalaan ngayong taon.
Sinabi ni alyas Kanoy na Kasama niya sa 1st National Battalion sina alyas Papi, alyas Bombo, at alyas alex na nauna nang sumuko at nagbalik loob sa pamahalaan.
Dagdag pa niya na ang nasabing mga matataas na kalibre ng baril ay binigay sa kanya ni alyas Yuni/Boogs, Kumander ng RSDG, KR-CV.
Idinagdag pa niya na ang kanyang paniniwala sa matagal na panahon na itinanim sa kanya ng mga kadre ng NPA ay puro kasinungalingan dahil mula sa kanyang pagbaba ay nakita niya ang seryosong programa ng pamahalaan para sa kanila .
Napagtanto na anya ng mga Agta na sila ang nagpapalakas sa hanay ng armadong grupo dahil sila ang kanilang inuutusan na magbuhat ng mga kagamitan, ginagawang tour guide sa kabundukan ng Sierra Madre at sila ring mga agta ang ginagamit na nakikipaglaban sa pamahalaan.
Nagpapasalamat naman siya sa mga binibigay na tulong ng pamahalaan sa mga katutubong nagbalik-loob at ang kanyang pangako ay hindi na siya at kanyang pamilya malinlang ng mga kadre ng NPA.
Sinabi ni Alyas Kanoy na malaki ang pasasalamat nilang mga Agta sa tulong ng militar at pulisya.