BAGUIO CITY – Nagbalik-loob sa pamahaalan ang dalawang dating lider ng New People’s Army (NPA) sa Cordillera kasabay ng pagdiriwang ng 33rd Cordillera founding anniversary sa rehyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Col. Elmer Ragay, Benguet Provincial Police director, sinabi niya na sumuko sa kanilang himpilan ang lider ng Kilusang Larangang Guerilla BAGGAS at AMPIS na si “Ka Rebo” at ang team leader ng Kilusang Larangang Guerilla Marco na si “Ka Kabayan.”
Isinuko rin ng mga rebelde na parehong tubong Basao, Kalinga ang kanilang armas.
Ayon sa opisyal, sumuko ang mga ito dahil sa nararanasang hirap sa bundok at nabatid umano nilang totoo ang livelihood program ng gobyerno.
Kinumbinsi rin umano sila ng dalawang kasamahang miyembro naman nang tinaguriang militia ng bayan na una nang sumuko sa Kalinga noong linggo.
Ayon pa kay Ragay, aabot na sa 18 ang mga rebeldeng sumuko rehiyon mula pa noong Enero.