BAGUIO CITY – Emosyonal ang dalawang coronavirus disease (COVID-19) positive patients sa Baguio City kasabay ng kanilang paglabas sa ospital pagkatapos nilang gumaling mula sa naturang sakit nitong Lunes.
Unang nakalabas mula sa Baguio General Hospital and Medical Center ang 52-anyos at health care frontliner na si Joel Junsay at sumunod na nakalabas sa Saint Louis University Hospital of the Sacred Heart ang 67-anyos na si Jaysay Bactad.
Sa kanyang paglabas, emosyonal na ibinahagi ni Junsay ang kanyang pinagdaanan sa paglaban sa COVID-19.
Itinuturing nito bilang pangalawang buhay ang kanyang paggaling mula sa nakamamatay na coronavirus disease.
Samantala, emosyonal din si Jaysay Bactad sa kanyang paglabas sa pagamutan dahil sinalubong ito ng kanyang asawa na si Enrique Bactad na naging positibo rin sa COVID-19 ngunit unang nakalabas sa ospital.
Sina Junsay at ang mag-asawang Bactad ay pare-parehong nagpakilala sa publiko pagkatapos nilang magpositibo sa COVID 19 para sila’y makatulong sa mas mabilis na contact tracing.