DAVAO CITY – Arestado ang dalawang mataas na opisyal ng Titan 29, isang investment scheme na nag-o-operate sa Davao region.

Kinilala ang mga suspect na sina Ryan Johnskyle Maunes, 27, public speaker ng Titan 29 Marketing at residente ng Brgy. Abejod, Cateel, Davao Oriental; at Anabelle Laluna y Pepito, 47, coordinator ng Titan 29 Marketing at residente ng Purok Cattleya, Brgy. Visayan Village, Tagum City.

Inihayag ni Lt. Col Ariel Acala, Tagum City Police Station-OIC, inaresto ang mga suspect sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong large scale estafa matapos pumunta sa Hall of Justice upang i-follow-up ang kanilang hold departure order.

Samantala naka-detine na ngayon ang mga suspect sa Tagum City District Jail, Brgy. Canocotan, Tagum City, Davao del Norte, at walang inirekomendang piyansa para sa kanilang pansamantalang kalayaan.

Una rito, daan-daang mga indibidwal ang humingi ng tulong sa mga otoridad matapos tinangay umano ng CEO ng Titan 29 Marketing ang halos P500 million na investments.