CENTRAL MINDANAO- Nagsilikas ang mga sibilyan sa engkwentro ng militar at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang mga nasawi na sina Salamat Kutin at Nasruden Akmad habang sugatan naman sina alyas Amad at alyas Saudi, mga tauhan ni Kumander Kagui Karialan ng BIFF.

Ayon sa ulat ng 601st Brigade na nakasagupa ng mga tauhan ng 1st Mechanized Infantry Battalion Philippine Army sa Sitio Lining Brgy Lower Salbu Datu Saudi Ampatuan Maguindanao ang grupo ni Kumander Saga Indong.

Kasabay rin na nakasagupa ng tropa ng 57th Infantry Battalion Philippine Army ang grupo ni Kumander Pahad Adam sa Sitio Lagasan Barangay Elian Datu Saudi Ampatuan Maguindanao.

Dahil sa tindi nang palitan ng bala sa magkabilang panig ay lumikas ang mga sibilyan patungo sa mga ligtas na lugar sa takot na maipit sa engkwentro.

Umatras ang mga rebelde nang paputukan sila ng militar gamit ang 81 mm mortar.

Walang nasugatan sa panig ng mga sundalo habang dalawa ang nasawi at dalawa ang nasugatan sa BIFF.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang combat clearing operation ng Joint Task Force Central ng militar laban sa BIFF sa Datu Saudi Ampatuan Maguindanao.