-- Advertisements --

Nagkainitan si Iloilo City Mayor Jerry Treñas at Pavia, Iloilo Mayor Luigi Gorriceta matapos na pinabalik ni Gorriceta sa lungsod ng Iloilo ang isang COVID-19 patient ng walang pahintulot galing kay Mayor Treñas.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Treñas, sinabi nito na wala sa regulasyon at resolusyon ng Inter-Agency Task Force ang pagpapabalik sa pasyente ng COVID-19 sa kaniyang tirahan.

Ayon kay Treñas, dapat na isaalang-alang ang kaligtasan ng mga maghahatid sa pasyente pauwi dahil posible na mahawaan sila.

Ani Treñas posibleng sampahan ng kaso si Gorriceta dahil sa kanyang naging desisyon.

Agad namang humingi ng paumanhin si Gorriceta kay Mayor Treñas sa kanyang naging desisyon.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Gorriceta, naiintindihan niya ang pagkagalit ng alkalde ng Iloilo subalit gusto niya lang linawin na hindi niya ipinag-utos na ipabalik ang COVID-19 patient sa lungsod.

Ayon kay Gorriceta, wala rin syang utos na sunduin sa lungsod ang pasyente at apat pa nitong kapamilya na kasama niya sa bahay.

Sa ngayon naka confine na sa isang ospital sa lungsod ng Iloilo ang nasabing pasyente at nasa quarantine facility naman sa bayan ng Pavia ang apat pa niyang mga kapamilya.