-- Advertisements --

sputnik1

Tiniyak ni NTF Chief Implementer at vaccine czar Sec Carlito Galvez na mababakunahan na ang mga naturukan ng unang dose ng Sputnik V.

Ito’y matapos dumating kagabi bandang alas-11:00 sa NAIA Terminal 3 ang karagdagang 190,000 doses ng Sputnik V Component II COVID-19 vaccine,Sabado, September 18,2021.

Sinabi ni Galvez ang mga nasabing bakuna ay nakalaan para sa mga second dose.

Personal na sinalubong ito nina Sec. Galvez., Russian Ambassador to the Philippines Marat Pavlov, Phil. Archipelago International Trading Corporation Chairman Benito Yap Aw at President Olivia Limpe Aw.

Ayon kay Galvez, nakahinga na sila ng maluwag ngayong dumating na ang Sputnik V vaccine dahil marami sa mga kababayan natin ang naghihintay ng kanilang second dose.

sputnik2

Humingi ng paumanhin si Galvez sa delay ng delivery ng Sputnik V vaccine lalo at nagka problema sa supply ng mga bakuna.

“Medyo nakahinga nang maluwag na ang ating mga mamamayan na naturukan ng Component 1. We are apologizing for the delay of this Component 2 considering that we have some supply issues,” pahayag ni Sec. Galvez.

Siniguro ng kalihim na hindi na mauulit pa ang nangyaring delay.

Ang 190,000 doses ng Sputnik V vaccine ay ipamamahagi dito sa Metro Manila, Bohol, Isabela, Bacoor City sa Cavite, Region 3 at Region 4-A.

As of September 18, nasa kabuuang 54,255,130 COVID-19 vaccines ang dumating sa bansa simula nuong buwan ng Pebrero ng kasalukuyang taon. Samantala, ayon naman kay Russian Ambassador to the Philippines Marat Pavlov, magpapatuloy ang collaboration ng bansang Russia at Pilipinas lalo na sa gagawing procrement ng Sputnik V vaccine.