Nasawi sa isang aircrash ang nasa 19 katao na lulan ng isang Tanzanian commercial flight na Precision Air.
Ito ay matapos na bumagsak ang naturang eroplano sa Lake Victoria sa Bukoba, Tanzania nang dahil sa masamang lagay ng panahon.
Ayon kay Tanzanian Prime Minister Kassim Majaliwa, nagawa pang makipag-usap sa mga local officials ang dalawang piloto ng nasabing eroplano na kalaunan aniya’y posibleng nasawi rin sa naturang trahedya.
Aniya, sa ngayon na rekober na raw ng mga kinauukulan ang lahat ng mga labi sa loob nito at kasalukuyan na aniyang sinusuri ito ng isang grupo ng mga doktor at security agency upang matukoy naman ang pagkakakilanlan ng mga nasawing biktima.
Sa report naman ng Precision Air ay kinumpirma nito ang naturang death toll kasabay ng pag-uulat na 24 sa kabuuang 43 katao sakay ng bumagsak na eroplano ang nailigtas na ng mga kinauukulan.
Samantala, lubos na pakikiramay naman ang ipinaabot ng naturang airline sa pamilya at mga kaibigan ng mga pasahero at mga crew na nadamay sa nangyaring aksidente.
Tiniyak naman nito na patuloy ang kanilang pagbibigay ng mga impornasyon dito at handa rin anila sila sa magpaabot ng anumang tulong na kakailanganin ng mga ito.