Pinayuhan ni Senator Alan Peter Cayetano ang 18 indibidwal na nagpakilalang dating miyembro ng Philippine Marines na hindi awtorisado ng pamunuan ng Senado ang gagawing hearing ng Gatchalian bloc sa Lunes, Hunyo 8, 2026.
Sa liham na may petsang Hunyo 6 na ipinadala sa abogado ng grupo na si Atty. Levi Baligod, sinabi ni Cayetano na hindi nagmula sa kanyang tanggapan, sa tanggapan o ng Blue Ribbon subcommittee ang naturang imbitasyon.
Binigyang diin pa ni Cayetano, hindi inaprubahan ni Sen. Pia Cayetano bilang chairperson ng Blue Ribbon Committee, o ni Sen. Rodante Marcoleta bilang chairperson ng subcommittee, ang nakatakdang pagdinig sa Lunes.
Ayon pa kay Cayetano, tanging ang tanggapan nina Sen. Pia Cayetano, Sen. Marcoleta, o ang committee secretariat na kumikilos sa ilalim ng kanilang awtoridad ang maaaring maglabas ng mga opisyal na abiso at imbitasyon para sa mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee.
Nagbabala rin si Cayetano sa mga testigo laban sa pagdalo sa mga pagdinig na hindi awtorisado ang mga nagpakilalang chairman ng komite, dahil hindi umano matitiyak ng Senado ang mga procedural safeguards at proteksiyong karaniwang ipinagkakaloob sa mga humaharap bilang testigo.
Ginawa ni Cayetano ang pahayag kasunod ng mga pagbabago sa liderato ng Senado kung saan itinalaga si Senator Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at acting Senate President. Kasabay ang pagtatalaga kay Senator Erwin Tulfo bilang bagong chairman ng Blue Ribbon Committee.
Sa kabila ng mga pagbabagong ito, itinuloy ng paksyon ni Cayetano ang hiwalay na pagdinig noong Hunyo 4 na pinangunahan ni Senator Pia Cayetano.
Sa naturang pagdinig, humarap ang 18 umano’y dating Marines at inihayag ang alegasyon na naghatid umano sila ng mga maletang pera mula sa dating kongresistang si Zaldy Co patungo sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno.
Kabilang sa kanilang pinangalanan sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Senator Vicente “Tito” Sotto III, Senator Erwin Tulfo, Mamamayang Liberal Party-List Representative Leila de Lima, at dating ACT Teachers Party-List Representative France Castro.
Samantala, inimbitahan din ang parehong grupo upang dumalo sa pagdinig na isasagawa ng kampo ni Gatchalian sa Lunes.
Sa kabilang panig, sinabi ni Gatchalian na hindi kinikilala ng Senado bilang opisyal na pagdinig ang isinagawang hearing noong Hunyo 4. Aniya, hindi dapat ituring na opisyal na testimony ng Senado ang mga pahayag na ginawa ng 18 dating sundalo sa naturang pagdinig.
















