CAGAYAN DE ORO CITY – Sumailalim na sa home quarantine ang halos 20 alkalde na unang nakasalamuha ni Sen. Juan Miguel Zubiri noong nakaraang linggo.

Ito’y kasunod ng pag-amin ni Sen. Zubiri na nagpositibo siya sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Cabanglasan Mayor Renante V. Inocando, nagkaroon sila ng pagkakataon na makahalubilo ang senador nang nagpatawag ito ng lunch meeting sa lahat ng mga alkalde sa probinsiya ng Bukidnon matapos silang dumalo sa general assembly sa League of the Municipal Mayors of the Philippines sa Marriot Hotel sa Pasay City.

Aniya, hindi nila inaasahan na magpopositibo sa virus ang senador lalo pa’t hindi man lang nila nakikitang umuubo ito.

Ngunit inamin ni Inocando na umiwas si Zubiri na makipag-hand shake sa kanila dahil nga sa COVID-19.

Sa ngayon, nagpadala na sila ng request sa Department of Health na isailalim sila lahat sa COVID testing upang mapawi ang kanilang nararamdamang pangamba.