Nasa Office of the President na raw ang resulta ng imbestigasyon na isinagawa ng Task Force PhilHealth laban sa mga tiwaling opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon sa Department of Justice (DoJ) ang report ay binubuo ng 177 pahina.
Sa isinagawang imbestigasyon, natanggap at inevaluate ng Task Force PhilHealth ang mga sumusunod:
- testimonya ng 14 testigo
- reports at summaries ng various cases, kabilang ang mga under investigation at for resolution
- natanggap din nila ang mga dokumentong isinumite ng mga resource persons
- pati na rin ang reports at recommendations ng iba pang grupong nagsagawa ng imbestigasyon kabilang na ang Senado.
Nagsagawa rin ang Task Force PhilHealth ng pitong hearings na umanot sa 30 oras sa iba’t ibang petsa.
Sa mga isinagawang pagdinig, dumalo rin ang mga representatives mula sa participating agencies ng Task Force.
Pagkatapos ng initial finding ay nagsumite na ang Task Force PhilHealth ng kanilang rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, habang naghihintay ang Task Force ng direktiba kay Pangulong Duterte, itutuloy naman ng kanilang composite teams ang imbestigasyon sa katiwalian o korupsiyon na posibleng ginawa ng mga health providers at PhilHealth personnel.
Ang Task Force ay inorganisa ng DoJ kasunod ng Memorandum mula sa pangulo na may petsang Agosto 7, 2020.
Kasama nila sa imbestigasyon ang Office of the Special Assistant to the President (OSAP), Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), National Prosecution Service (NPS), DoJ Office of Cybercrime (OOC), National Bureau of Investigation (NBI) at Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Ang mga independent constitutional bodies gaya ng Office of the Ombudsman (OMB), Commission on Audit (COA) at Civil Service Commission (CSC) ay inimbitahan din para dumalo sa imbestigasyon ng Task Force.