Umabot na sa mahigit 170 fish cage operators ang naapektuhan ng naitalang fish kill sa bahagi ng Magat Dam sa mga bayan ng Ramon at Cordon, Isabela, ayon sa Provincial Fisheries Office.
Naitala ang fish kill sa ilang fish cage sa dinadaluyan ng Magat na iniuugnay sa matinding init ng panahon, mababang antas ng tubig, at kakulangan ng dissolved oxygen na mahalaga sa buhay ng mga isda.
Ayon sa mga otoridad, posibleng lumawak pa ang pinsala kung magpapatuloy ang kasalukuyang kondisyon ng dam, kaya’t nagbabala ang mga eksperto na dapat magpatupad ng agarang hakbang upang maiwasan ang mas malawak na epekto sa kabuhayan ng mga mangingisda at sa supply ng isda sa rehiyon.
Nananatiling nakabantay ang Fisheries Office at iba pang ahensya upang masuri ang sitwasyon at magbigay ng tulong sa mga apektadong operators habang patuloy na binabantayan ang kalidad ng tubig sa dam.















