Nagpaabot ng Father’s Day message si Davao City 1st District Representative Paolo ”Pulong” Duterte para sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan ipinahayag niya ang pasasalamat at paghanga sa ipinakitang lakas at determinasyon nito bilang ama.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Paolo na hindi magbabago ang kanilang pasasalamat at pagmamahal sa kanyang ama sa kabila ng mga kinakaharap nitong pag-subok.
Ayon sa kanya, nakita nila kung paano ipinaglaban ng dating Pangulo ang kanyang pamilya at ang mga taong kanyang pinagsilbihan, at kung gaano kalaki ang mga sakripisyong inalay nito.
Dagdag pa ng kongresista na ang isang ama ay hindi lamang tagapagtaguyod ng pamilya kundi tagapagtanggol din at handang magbuhat ng mabibigat na responsibilidad para sa kapakanan ng mga mahal niya sa buhay.
Ang dating Pangulo ay kasalukuyang nakakulong ngayon sa The Hague sa ilalim ng kustodiya ng International Criminal Court kaugnay ng kasong crimes against humanity, mahigit isang taon matapos siyang maaresto.
Samantala, naging kontrobersyal din ang mensahe ni Pulong matapos niyang banggitin sa kanyang post ang ilang opisyal ng gobyerno na tinawag niyang “bangag” at “korap,” na ayon sa kanya ay mga ama rin.
















