-- Advertisements --

Sinusuri na ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad na may grupong nakaimpluwensiya o nag-udyok sa mga suspek na sangkot sa pamamaril sa Tacloban City.

Ayon kay PNP Spokesperson Col. Allen. Rae Co, kabilang sa kasalukuyang imbestigasyon ang mga impormasyong may kaugnayan sa mga grupong maaaring kinabibilangan ng isa sa dalawang suspek. 

Sinabi ni Co, may nakita umanong mga paunang indikasyon na posibleng may ibang grupo na nagtulak sa suspek upang gawin ang naturang krimen.

Gayunman, sinabi ng PNP na patuloy pa ang pagsusuri ng mga ebidensiya at maglalabas lamang sila ng kumpletong detalye kapag natapos na ang imbestigasyon.

Hindi naman nagbigay ng timeframe ang pambansang pulisya kung kailan matatapos ang imbestigasyon.

SAMANTALA, hindi pa nakukumpirma ng Philippine National Police (PNP) ang pagiging tunay ng mga screenshot ng umano’y pag-uusap ng mga child in conflict with the law (CICL) na kumakalat sa social media ngayon.

Ayon kay Col. Co, patuloy pang bineberipika ng mga awtoridad ang naturang mga mensahe kaya hindi pa sila makapagbibigay ng komento sa nilalaman nito.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ng PNP na ang suspek na si “Alias Nash” ay may malaking impluwensiya sa mga mararahas na online content. 

Sinusuri rin ng pulisya ang iba pang grupo o online communities na maaaring nakaimpluwensiya sa kanya.

Kasalukuyang, iniimbestigahan din ng PNP ang posibleng kahalagahan ng KMFDM t-shirt na suot ng isa sa mga suspek, matapos itong maiugnay sa ilang insidente ng pamamaril sa Estados Unidos.

Ayon sa PNP, may mga indikasyong maaaring may ibang grupo na nag-udyok o nagtulak sa suspek, ngunit maglalabas lamang sila ng kumpletong detalye matapos ang masusing imbestigasyon.