-- Advertisements --

Nananatiling lubog sa tubig-baha na umaabot sa isa hanggang anim na pulgada ang 116 barangay sa Bulacan sa kabila pa ng bahagyang paghupa ng mga pag-ulan.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, nasa 8,728 katao ang nananatili sa mga evacuation center.

Tinukoy ni PDRRMO chief Manuel Lukban Jr. na pinakamatinding binaha ang Barangay Meysulao sa bayan ng Calumpit kung saan umaabot hanggang anim na pulgada ang taas ng tubig-baha nitong umaga ng Linggo.

Sa naturang bayan, nasa 28 barangay ang lubog sa baha.

Sa Malolos naman, 41 barangay ang binaha, sinundan ng Hagonoy na nasa 25, Paombong may 14, Bocaue at Guiguinto – tig-pitong barangay ang binaha habang sa Pulilan at Balagtas – tig-apat na barangay ang binaha.

Ipinaliwanag naman ng local official na binaha ang Hagonoy at Paombong dahil sa high tide at mga pagbaha sa mga karatig na probinsiya ng Pampanga at Nueva Ecija.

Ang natitirang mga lugar na binaha ay bunsod ng mga pag-ulan at high tide.