Itinuturing pa rin umano ng House prosecution panel na matagumpay ang limang araw na pretrial proceedings sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte sa kabila na mabigo ang kanilang panig na mabuksan ang box mula sa Bureau of Investigation (BIR) na maaring naglalaman ng mga tax record ng bise Presidente at asawa nitong si Atty Mance Carpio.
Sa exclusibong pagtatanong ng Bombo Radyo Philippines sinabi ni lead prosecutor Rep. Gerville Luistro, na nakamit ng prosekusyon ang pangunahing layunin nitong matapos agad ang pretrial conference at maihanda ang kaso para sa pagsisimula ng impeachment trial sa Hulyo 6.
Hindi rin aniya nila pinatulan pa ang mga isyu na nilalatag ng kampo ng depensa upang hindi nito maapektuhan ang kanilang trabaho na mapabilis ang proseso ng pretrial.
Kaugnay nito, itinuring naman ni Rep. Joel Chua, na isa sa mga pinaka malaking hamon at nag patagal sa proseso ng pretrial ay ang hindi pagsang-ayon ng defense team sa common markings para sa magkaparehong dokumento na gagamitin ng dalawang panig.
Nauna nang ipinalinawang ni Luistro na mahigit 4,000 ang dokumentong may kaugnayan sa confidential funds ang minarkahan ng prosekusyon. Dahil hiwalay na minarkahan ng depensa ang mga kaparehong dokumento, umabot sa halos 8,000 ang kabuuang markings na isinagawa sa panahon ng pretrial.
Ayon kay Chua, makakabawas na sana sa oras ng kanilang pagmamarka kung pumayag lamang ang panig ng depensa ngunit nadoble
umano ang trabaho ng pagmamarka kaya humaba ang proseso ng pre-trial.
Bago ito, ay nauna na rin sinabi ni Atty. Michael Poa na may insidente umano na sa pagmamarka ng parehong dokumento ay nagkulang ng isang page ang dokumento ng prosekusyon kaya mas minabuti aniya ng kanilang panig na magkaroon ng sariling proseso ng pagmamarka sa kanilang mga iprenisintang dokumento ng ebidensya.
Bumwelta naman dito si Chua at sinabing isolated incident ito at hindi sumasalamin sa libu-libong dokumento ng minarkahan sa pretrial proceedings.
Ipinaliwanag din ni Luistro na sa dami umano ng dokumento sa mga transaksyon pa lamang sa Office of the Vice President at Department of Education na halos umabot ng 4,000 sa kabuan. Kaya’t di malabo aniya na magkaroon ng ganitong insidinte.
Sa huli pinasalamatan ng house prosecution panel sa impeachment court dahil sa naging papel nito sa pagpapabilis ng proseso sa kabila ng napakaraming dokumentong kailangang suriin at markahan.
Sa ngayon hinihintay na lamang ng dalawang panig ang paglabas ng pretrial order ng impeachment court at ang pormal na pagsisimula ng impeachment trial sa Hulyo 6.
















