Hihilingin ng House prosecution panel sa Senado bilang impeachment court na buksan ngayong Huwebes ang selyadong kahon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng tax records ni Vice President Sara Duterte, ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio, at ng kanilang mga kumpanya.
Ayon kay House prosecutor at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, mahalagang masuri ang laman ng kahon dahil may kaugnayan ito sa Article II ng impeachment complaint na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth.
Hindi binuksan ang BIR records noong pagdinig ng House Committee on Justice at nanatiling bahagi lamang ng mga rekord ng kaso. Inaasahan naman ng prosekusyon na tututol ang kampo ni Duterte sa pagbubukas nito.
Sinabi ng prosekusyon na makatutulong ang mga dokumento upang masuri kung tugma ang mga deklaradong ari-arian, kita at net worth ng Bise Presidente sa mga rekord ng BIR. Nakatakdang magsimula ang impeachment trial sa Hulyo 6.
















