-- Advertisements --

Iminungkahi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang posibilidad ng tuluyang pagbabawal sa mga online video game na naglalaman ng matinding karahasan.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, dapat pag-aralan ng Kongreso at mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang panukalang total ban sa violent online games, para sa proteksyon ng mga kabataang Pilipino.

Kasunod ito ng mga report na isa sa mga suspek sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City ay umano’y nahilig sa isang online game na tinatawag na ”GoreBox.”

Ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), ang GoreBox ay isang larong nagbibigay-daan sa mga manlalaro na gumamit ng armas at gumawa ng iba’t ibang senaryo na may kinalaman sa karahasan.

Pansamantalang hinarang ng CICC ang access sa naturang laro sa bansa habang sinusuri ang pa epekto nito.

Ayon naman sa DILG, maaari ring isaalang-alang ang kaparehong hakbang laban sa iba pang online games na may katulad na nilalaman.

Sinabi ni Secretary Remulla na maaaring magkaroon ng epekto ang paulit-ulit na exposure ng kabataan sa marahas na content, at dapat aniyang pag-aralan na ito kung paano makakaapekto sa kanilang pag-uugali at pag-iisip.

Gayunpaman, patuloy pa rin ang pagtalakay ng mga eksperto kung gaano kalaki ang epekto ng violent video games sa aktuwal na kilos ng isang tao, dahil maraming salik ang maaaring makaapekto sa pag-uugali ng kabataan.