KALIBO, Aklan—Nahaharap sa kasong panggagasaha ang isang lalake matapos na ginahasa nito ang 16 anyos na kainuman sa Barangay Andagao, Kalibo, Aklan.

Kinilala ang suspek na si Malcon Salayon, 42, at residente ng nasabing lugar.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Womens and Children Protection Desk (WCPD) ng Kalibo Police Station, magkasamang nag-inuman ang dalawa kabilang ang iba pa nilang kaibigan kung saan, nang malasing umano ay ipinasok ng suspek ang dalagita sa loob ng kuwarto.

Dito na aniya naganap ang panghahalay sa biktima hanggang sa napansin ito ng kanyang kaibigan na kaagad naman siyang sinaklolohan.

Umalis ang dalawa sa bahay ng suspek kung saan, habang naglalakad ay nadaanan sila ng tricycle driver at kaagad naman dinala sa himpilan ng pulisya upang makapagreklamo.

Sa follow-up operation ng awtoridad ay naaresto ang suspek at nakakulong na ngayon sa Kalibo Police Station.