Nakapagtala ng 15 election related violent incident ang mga awtoridad ngayong araw.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson, Col. Ramon Zagala, kabilang sa mga ito ang shooting incident, explosion, at iba pa.
Bagama’t may ilang nasawi sa naturang mga insidente, sinabi ni Zagala na maituturing pa rin itong good low number sa kadahilanang hindi ito naging sanhi ng pagkaantala sa pagboto ng mga botante.
Ang mahalaga raw kasi ay agad silang nakaresponde sa mga apektadong lugar upang tumulong at gayundin ang iparamdam sa taumbayan ang tiyak na seguridad ngayong eleksyon.
Samantala, sa datos naman ng Philippine National Police (PNP) ang naturang bilang ay di hamak na mas mababa kumpara sa mga naitalang karahasan noong nakaraang halalan dahilan kung bakit maituturing na generally peaceful ang naganap na eleksyon ngayong taon.
Magugunita na una rito ay may mga napaulat nang insidente ng pananambang kay Pandag, Maguindanao mayoralty candidate Toy Mangudadatu na naging sanhi naman ng pagkasawi ng isa sa kanyang mga taga-suporta.
Habang tatlong kasapi naman ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) ang napatay sa pamamaril sa Barangay Poblacion, Buluan, Maguindanao.
















