Hinimok ni US President Donald Trump si Ukrainian President Volodymyr Zelenskiy na itigil ang mga pag-atake sa diesel infrastructure ng Russia dahil sa nakikitang masamang epekto nito sa pandaigdigang suplay at sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ang naging wika ng lider ng Estados Unidos ay kasunod ng sunod-sunod na long-range drone attacks ng Ukraine sa mga oil refinery ng Russia sa mga nakalipas na buwan, na nagdulot ng malaking bawas sa fuel production at nagbunga ng shortages sa loob ng Russia.
Sinabi ni Trump na napakarami namang ibang puwedeng maging target ang militar ng Ukraine at hindi dapat ang mga pasilidad ng diesel ang pinupuntirya.
Nananatili namang matatag ang paninindigan ng Ukraine na lehitimong military targets ang mga Russian refinery dahil direktang ginagamit ang mga ito upang pondohan at suportahan ang war effort ng Moscow.
Sa kasalukuyan, sumampa na sa mahigit anim na dolyar kada galon ang average price ng diesel sa Estados Unidos, habang ibinaba ng Russia ang forecast nito sa oil production ngayong taon sa pinakamababang antas sa loob ng 17 taon dahil sa matinding epekto ng digmaan.
















