-- Advertisements --

Naghahanda na ang Philippine National Police ng mga kinakailangang security measure para sa dalawang araw na transport strike ngayong Setyembre 14-15 na ikakasa ng grupong MANIBELA bilang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nakataas na ang alerto ng mga police unit sa mga lugar na inaasahang pagtitipunan ng mga nagpoprotesta, kabilang na ang bahagi ng Philcoa sa Quezon City.

Inatasan din ang mga police chief at territorial units na makipag-ugnayan nang malapitan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno upang mapanatili ang seguridad at maayos na crowd management.

Bumuo rin ang PNP ng koordinasyon upang magbigay ng tulong sa mga commuter na posibleng ma-stranded sa kalsada dahil sa tigil-pasada.

Sinabi ni Nartatez na nauunawaan ng pambansang pulisya ang hinaing ng mga transport group sapagkat maging ang kanilang sariling mga tauhan na nagmamaneho ay apektado rin sa patuloy na pagtaas ng fuel prices.

Inaasahan ng PNP na mananatiling mapayapa at maayos ang mga ikakasang protesta, ngunit nakahanda pa rin ang mga karagdagang security forces sakaling magkaroon ng hindi inaasahang emergency o iba pang insidente.