-- Advertisements --

CEBU CITY – Libo-libong residente ang nagkagulo sa buong lalawigan ng Cebu matapos yanigin ng malakas na lindol na may lakas na 6.9 magnitude dakong alas-9:59 ng gabi, Martes, Setyembre 30, 2025.

Kabilang sa mga napinsala ang Archdiocesan Shrine of Santa Rosa de Lima sa Daanbantayan, Cebu, kung saan ilang bahagi ng simbahan ang gumuho.

Sa Bogo City, Cebu, ang sentro ng lindol, isang kilalang fast food chain ang nagtamo ng matinding pinsala sa estruktura, dahilan upang ideklarang hindi ligtas pasukin. Bukod dito, nakaranas din ang mga motorista ng malalaking bitak sa mga pangunahing kalsada.

Sa Cebu City Medical Center, pansamantalang lumikas sa labas ng gusali ang mga pasyente at ilang miyembro ng medical staff bilang pag-iingat.

Tatlong katao ang kumpirmadong nasugatan sa insidente.

Naglabas ng pahayag si Cebu City Mayor Nestor Archival na nananawagan sa publiko na manatiling kalmado sa kabila ng inaasahang mga aftershock.

Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na impormasyon kung may nasawi sa mismong lungsod ng Cebu.

Samantala, ilang paaralan sa Cebu City, Mandaue, at karatig-lugar ang nagdeklara ng suspensyon ng klase ngayong araw, Oktubre 1.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu News Team kay Joel Erestain, Regional Director ng Office of the Civil Defense – Region 7, sinabi niyang ang Hilagang bahagi ng Cebu ang pinakanaapektuhan ng lindol. Gayunman, wala pa ring tiyak na datos ukol sa bilang ng mga nasawi o nasugatan, lalo’t itinaas ang magnitude ng lindol mula sa dating 6.5 patungong 6.9.

Sa kabilang banda, bandang alas-2:00 ng madaling araw ngayong Oktubre 1, kinumpirma ng lokal na pamahalaan ng Bogo City na siyam na matatanda at apat na bata ang nasawi. Dagdag pa rito, apat na indibidwal ang naiulat na namatay sa San Remegio, ayon sa Cebu Capitol PIO.

Patuloy ang isinasagawang search and rescue operations ng mga kinauukulan.