-- Advertisements --

Wala pa ring suplay ng kuryente ang nasa 12,000 konsyumer na naapektuhan ng matitinding pag-ulan at baha dala ng habagat at mga bagyong nananalasa sa bansa.

Sa advisory ng Manila Electric Co. (Meralco) ngayong Miyerkules, Hulyo 23, iniulat nito na karamihan sa mga apektadong konsyumer ay sa mga binahang lugar sa Cavite, Metro Manila at Bulacan.

Nauna na ngang napaulat nitong Martes, Hulyo 22, na nasa 167,000 na customer ng naturang power distributor ang nakaranas ng power outages dahil sa mabibigat na pag-ulan at pagbaha.

Sa kabila nito, tuluy-tuloy naman ang isinasagawang restoration o pagpapanumbalik sa suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar.

Naka-full alert din ang utility giant at tiniyak ang pagpapanumbalik ng serbisyo sa kuryente sa lahat ng mga naapektuhan sa lalong madaling panahon sa gitna ng patuloy na pananalsa ng habagat, bagyong Dante at bagong bagyong Emong.