Nasimulan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagpapatayo ng malalaki at matitibay na evacuation centers sa iba’t ibang lalawigan sa bansa mula nang ipag-utos ito ni Pangulong Rodrigo Duterte noon pang isang taon.

Sa katunayan, sinabi ni Public Works Sec. Mark Villar, tatlo sa mga evacuation centers na ito ay ginagamit na ngayon sa Batangas.

-- Advertisement --

Ayon kay Sec. Villar, kabilang dito ang mga evacuation centers sa Tanauan, Sta. Rosa at San Pascual, Batangas na inuukupahan ng mga evacuees dahil sa pagsabog ng Taal Volcano.

Ang mga residenteng ito ay inilikas mula sa 14-kilometer radius permanent danger zone ng Bulkang Taal.

Inihayag ni Sec. Villar na nasa 114 na evacuation centers sa iba’t ibang panig ng bansa ang kanilang ipinatatayo na magsisilbing tirahan ng mga residenteng posibleng maapektuhan ng darating pang kalamidad sa bansa.

Inaasahan na kasi umano ang pagtama ng iba’t ibang kalamidad sa bansa gayang bagyo, lindol at pagputok ng bulkan, bilang isang bansang nasa tinatawag na “ring of fire.”