LEGAZPI CITY – Nasa 11 katao ang itinakbo sa ospital matapos na masangkot sa bangaan ng isang pampasaherong jeep at sports utility vehicle (SUV) sa parte ng Maharlika Highway sa Brgy. Pang-pang sa lungsod ng Sorsogon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Juric Ladisla ng Sorsogon CDRRMO, papunta umano sa isang outing sa bayan ng Irosin mula sa Daraga, Albay ang magkakamag-anak na lulan ng jeep ng aksidenteng mabangga ng SUV na minamaneho ni Mico John Matabuena, na pauwi naman sa Kilometro 13 ng nasabing lungsod.

Sa lakas ng impact sa insidente, sugatan ang 10 pasahero ng jeep na kasama na ang isang 12-anyos na menor de edad.

Nagtamo rin ng sugat ang driver ng SUV sa kanyang noo at hita na nabatid na nasa impluwensya ng alak ng mangyari ang insidente.

Sa ngayon nasa ligtas nang kalagayan ang mga biktima habang inaalam pa kung magsasampa ng reklamo laban sa nakabanggang drayber ng SUV.