Kinumpirma ni Grandmaster Jayson Gonzales, chief executive officer ng National Chess Federation of the Philippines(NCFP), na ibinigay ng pederasyon ang National Master title sa isang sampung taong gulang na batang babae mula sa Pasig City.
Ang nasabing chess prodigy ay kinilalang si Nika Juris Nicolas. Si Nicolas ang siyang pinakaunang babae sa kasaysayan ng Philippine Chess na nagawaran ng nasabing titulo.
Ang National Master ay kadalasang ibinibigay sa mga lalaking nakikipag-compete sa chess, habang Woman National Master naman ang titulo sana para sa mga kababaihan.
Gayunpaman, pinilit ni Nicolas na makipag-compete sa boys category sa open division, at nakaya nitong talunin ang ilang mga magagaling na batang chess players sa bansa.
Kabilang sa mga nagawa ng batang chess player ay ang makipag laban sa boys division na nilahukan ng mga batang may edad 11 pababa, para sa 2023 NCFP National Youth and Schools Chess Championship na ginanap sa Himamaylan City, Negros Oriental noong buwan ng Marso.
Sa kasalukuyan, nakatakdang makipag-compete si Nicolas sa ASEAN age-group chess championship na gaganapin sa Bangkok, Thailand sa June 17-27, 2023, kasama na ang iba pang professional chess tournament sa bansa, at iba pang mga international competition.