Nasa 10,000 mga pulis ang ipakakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa Traslacion 2020.
Ayon kay NCRPO director B/Gen. Debold Sinas, mula sa iba’t ibang police district sa Metro Manila ang mga ide-deploy na mga pulis.
Inilarawan ni Sinas ang latag ng kanilang seguridad para sa prusisyon ng Itim na Nazareno kung saan kabilang na rito ang pagiging bantay-sarado ng mga pulis sa andas.
Dahil dito, tanging sa likod lang ng Andas puwedeng makasampa ang mga deboto para maiwasan umano ang gulo at mapanatili ang kaayusan.
Maliban sa mga pulis na naka ikot sa Andas wall, mayroon ding convoy ng mga sasakyan na mangunguna sa prusisyon.
Habang ang natitirang 8,000 pulis naman ang ipakakalat sa iba’t ibang ruta at lugar sa Maynila.
Aminado ang NCRPO na malaking hamon sa kanila ang paglalatag ng seguridad para sa Traslacion sa Enero 9.
Kinumpirma din ni Sinas na magpapatupad sila ng malaking mga pagbabago sa kanilang security preparations.
Ilan sa mga ito ang pagpapatupad ng road closure na magsisimula alas-9:00 ng gabi ng Enero 8.
Napagkasunduan na rin ng mga otoridad na ang prusisyon ay dadaan sa Ayala Bridge imbes sa Jones Bridge para sa “safety and security” ng mga devotees.
Sinabi ni Sinas kaparehong security template ang kanilang ipatutupad nuong thanksgiving procession.
Umapela naman ang opisyal sa mga pari, madre at mga taong simbahan na sumama at tapusin ang buong prusisyon.
Ayon kay Sinas, layon nito na maiwasan ang kaguluhan sa kasagsagan ng prusisyon lalo’t ito naman aniya ay isang religious activity kaya’t dapat lang na may makitang mga lider ng simbahan dito.
Hinimok din ni Sinas ang mga ito na pangunahan din ang pananalangin upang mapanatili ang kasagraduhan ng okasyon.
Makikipag-ugnayan din ang NCRPO sa iba’t ibang komunidad para maging maayos at mapayapa ang Traslacion.