Ipinag-utos na ng government prosecutors ang pagsasampa ng kaso sa korte sa 10 indibidwal na naaresto ng PNP sa Infanta, Quezon na may bitbit na P11 billion na halaga ng shabu noong Marso 15.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) ang P11-billion na halaga ng shabu ay ang biggest drug haul o pinakamalaking huli sa Philippine history.
Sa resolusyon na pirmado ni Prosecutor General Benedicto Malcontento ng Department of Justice (DoJ), pinasasampahan na nila ang mga respondents na sina Alvin Ibardo, Jaymart Gallardo, Reynante Alpuerto, Jenard Samson, Jamelanie Samson, Mark Bryan Abonita, Marvin Gallardo, Dante Mannoso, Eugene Roger Bandoma at Kennedy Abonita ng mga kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa pagbiyahe ng mga ito ng 1,680.563 kg ng methamphetamine hydrochloride o shabu.
Matapos ang evaluation ng mga ebidensiya, sinabi ng Panel of Prosecutors na balido ang pag-aresto sa mga suspek.
Mayroon din umanong sapat na ebidensiya para ipag-utos na litisin ang kaso ng mga respondent sa korte.
Nakasaad din sa resolusyon na naharang ang 10 indibidwal lulan ng kanilang mga sasakyan habang binabaybay ang kahabaan ng National Highway sa Infanta, Quezon.
Natagpuan din sa sasakyan ang ilang sako ng teabags na naglalaman ng methamphetamine hydrochloride base na rin sa pagdetermina ng laboratory examination report.
Ayon naman sa Office of the Prosecutor General, ang criminal case ay ihahain sa Regional Trial Court (RTC) ng Infanta, Quezon.
Kung maalala ang naturang kontrabando ay nasabat dakong alas-4:00 ng madaling araw sa Barangay Comon, Infanta, Quezon.
Ang operasyon ay pinangunahan ng NBI-Task Force Against Illegal Drugs (TFAID), NBI-Research and Analysis Division (RAD) at Lucena District Office (LUCDO) sa pamamagitan ng koordinasyon sa Philippine National Police sa Infanta, Quezon at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Lucena.