Nasa 120,000 police personnel ang idedeploy ng Philippine National Police (PNP) nationwide sa nalalapit na pagsisimula ng klase sa susunod na Lunes, June 3.
Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, ang ipapakalat nilang mga pulis ay bilang pagsuporta sa Department of Education (DepEd) kasabay ng pagsisimula ng Oplan Balik Eskwela.
Sinabi ni Albayalde, itatalaga ang mga naturang pulis sa paligid ng mga paaralan sa pamamagitan ng pagkakasa ng help desks upang tugunan ang mga sumbong, reklamo at iba pang hinaing na ilalapit ng mga magulang.
Maliban sa anti-criminality at illegal drugs, sinabi naman ni Pol. M/Gen. Benigno Durana Jr., pinuno ng PNP-Directorate for Police Community Relations, na mahigpit din nilang tututukan ang kapayapaan at seguridad sa paligid ng mga paaralan.
Partikular aniya ang mga lugar na mataas ang antas ng karahasan at talamak ang presensya ng mga bandido at teroristang grupo na posibleng maghasik ng kaguluhan.
Batay sa DepEd memorandum na may petsang April 22, inanunsyo ni Education Sec. Leonor Briones ang pagsisimula ng klase sa parehong public elementary at high school sa June 3.
Habang April 3, 2020 naman magsasara ang klase.