NAGA CITY- Patay ang isang sundalo habang anim ang sugatan matapos tambangan ng mga pinaniniwalaang New People’s Army (NPA) ang tropa ng gobyerno sa bayan ng Labo, Camarines Norte.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Division Public Affairs Office ng 9th Infantry Division, Philippine Army, nabatid na magsasagawa sana ng security operation ang isang platoon mula sa 92nd Division Reconnaisance Company (92DRC) ngunit biglang nag-pulled out dahil sa ipinatupad na Suspension of Military Operations (SOMO) kaninang 12:00 ng madaling araw, December 23, 2019.
Habang pabalik na sa Barangay Baay, Labo ang tropa nang biglang paulanan ng bala at kasabay nito sumabog ang isang improvised explosive device (IED).
Kaugnay nito, isang sundalo ang napuruhan habang anim na iba pa ang nasugatan.
Sa ngayon nagpapatuloy pa ang clearing operation ng mga otoridad sa naturang lugar.