-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nadagdagan pa ang bilang ng mga estudyante na sinasabing nagpakamatay dahil sa bagong sistema ng kanilang pag-aaral sa gitna ng coronavirus pandemic sa bansa.

Kahapon lamang ay naitala ang magkahiwalay na insidente ng pagpapakamatay ng mga estudyante- una ay sa Sitio Udalo, Barangay Buhangin, Malita, Davao Occidental.

Nakilala ang biktima na si alyas Ivan, Grade 8 student sa Tubalan National High School at residente sa nasabing lugar.

Una nang nakatanggap ng report ang mga otoridad patungkol sa insidente kaya agad nila itong pinaimbestigahan.

Ayon sa kapatid ng biktima na si Jerry, 18-anyos, nakita na lamang niya ito wala ng buhay sa loob ng kuwarto kung saan ginamit nito sa kanyang pagpapakamatay ang nylon rope habang yakap ang kanyang learning modular paraphernalia.

Sinasabing bago pa nangyari ang pagpapakamatay ng biktima, pinayuhan ito ng kanyang ina na tapusin ang kanyang module.

Samantala, isang 14-anyos na mag-aaral ang nag-suicide naman sa New Visayas, Montevista, Davao de Oro.

Nangyari ang insidente sa Purok 10, NHA Blk. 33 Lot 23, Brgy. New Visayas, Montevista, Davao De Oro.

Nakilala ang biktima na si alyas Princess, kung saan nakita na lamang ito ng kanyang kapatid na si Josua, 16, na wala ng buhay sa loob ng kanilang kuwarto.

Ginamit umano sa kanyang pagpapakamatay ang dalawang metros na haba ng nylon rope.

Walang nakitang foul play ang kapulisan sa pagpakamatay ng biktima pero patuloy ang imbestigasyon ng pulisya.