CENTRAL MINDANAO – Personal umanong alitan ang natatanaw ng mga otoridad na motibo sa pamamaril sa mga nag-iinuman sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Ronald Mallari, 44; sugatan naman sina Marius Dondon Hernane, 45; Mike Casildo Gumayao, 64, at Michael John dela Cruz Gumayao, 36, mga residente ng Barangay Salunayan, Midsayap, North Cotabato.

Ayon kay Midsayap chief of police, Lt. Col. Benito Rotia na nag-iinuman ang mga biktima sa tahanan ni Mallari nang biglang dumating ang dalawang hindi kilalang suspek at pinagbabaril sila gamit ang kalibre .45 na pistola at 9mm pistol.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Midsayap.

Patay on the spot si Mallari na nagtamo ng maraming tama ng bala sa kanyang katawan habang naisugod naman sa pagamutan ang tatlong sugatan.

Sa ngayon ay may mga tao nang iniimbestigahan ang Midsayap PNP na posibleng may kinalaman sa pamamaril sa mga biktima.