NAGA CITY – Patay ang driver ng tricycle habang sugatan naman ang dalawang pasahero nito matapos ang banggaan ng tricycle at Mazda Pick-Up sa Brgy. Haluban, Lupi, Camarines Sur.

Kinilala ang mga biktima na si Ricky Boy Tabalan, 27, driver ng tricycle; Punong Barangay Mary Jane Teves, 36; at Jessica Tabalan, 28, pawang mga residente ng Barangay Polantuna sa Lupi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSMSgt. Ermon Abogado ng Lupi PNP sinabi nito na habang binabaybay ng tricycle na minamaneho ni Ricky Boy ang one way lane ng nasabing barangay ng aksidente itong mabangga ng Mazda Pick-Up na minamaneho ni Felimon Salamatin 51.

Dahil dito nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan ang driver ng tricycle na nagin resulta ng kanyang agarang pagkamatay.

Samantala agad namang isinugod sa ospital ang mga pasahero nito na nagtamo rin ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.