Eksaktong isang buwan mula ngayon, pormal nang magbubukas ang bagong season ng NBA.
Kaya naman sa susunod na linggo simula na rin ng puspusang training camps matapos ang pahinga ng mga players at koponan dahil sa NBA offseason.
Kasabay ng regular season tip off sa darating na October 19, ay ang selebrasyon din ng ika-75 anibersaryo ng liga.
Umaasa ang NBA na sa pagkakataong ito dahil mas marami na ang nabakunahan ay bahagyang babalik sa normal ang 2021-2022 season.
Kung maalala noong huling torneyo ay maraming players ang tinamaan ng COVID-19 at maging ang ilang mga staff kaya nagdulot ito ng pagka-postpone ng maraming games at gayundin ang kawalan ng maraming mga fans sa mga arena.
Ayon sa ilang mga eksperto, maraming surpresa sa mga basketball fans ang papasok na opening ng NBA dahil sa mga bagong mukha na mga bagitong players at nakakagulat na mga palitan ng mga players upang mapalakas pa ang kanilang tiyansa.
Kabilang daw sa mga teams na babawi at babandera sa agawan sa pag-usad sa playoffs sa bagong season ay ang mga sumusunod: Golden State Warriors, Miami Heat, Chicago Bulls, Boston Celtics, Los Angeles Lakers, Toronto Raptors, Minnesota Timberwolves, Indiana Pacers, at Charlotte Hornets.