-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nananatili sa evacuation centers ang ilang pamilya sa Guinobatan, Albay, isang buwan na ang nakalilipas matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Rolly.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Guinobatan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) head Joy Maravillas, aabot pa sa 300 na pamilya ang nasa evacuation centers matapos mawalan ng tirahan dahil sa pananalasa ng sunod-sunod na kalamidad.

Karamihan sa mga ito ay wala nang mauuwian matapos masira at matabunan ng mga buhangin ang bahay dahil sa nangyaring malawakang pagbaha.

Kaugnay nito, may mangilan-ngilan na rin ang sumusubok na umuwi sa kanilang bahay subalit hindi pinapayagan bumalik dahil delikado ng tirahan.

Ayon kaya Maravillas, ginagawa rin ng lokal na pamahalaan ang lahat ng makakaya para mabigyan na ng shelter ang mga pamilyang nasa evacuation centers pa rin.

Sa ngayon, naka-close monitoring ang MDRRMO sa mga barangay na prone sa mga pagbaha dahil sa nararanasan na namang mga pag-ulan.

Samantala, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang tanggapan na mahanap ang katawan ng dalawa pang indibidwal na nawawala.